Pangulong Duterte, hindi dadalo sa anibersaryo ng EDSA People Power

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Sa ikalawang pagkakataon, muling inisnab ni Pangulong Rodrigo Duterte ang selebrasyon ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power na gaganapin ngayong darating na Pebrero 25.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, iginagalang ng Pangulo ang karapatan ng mamamayan na magtipon-tipon sa darating na Linggo kahit pa umano nakatanggap ito ng pormal na imbitasyon.

“As far as the President is concerned, people have the right to resort to their right to peaceful assembly. Hindi sinusupil. We welcome any and all protest that day,” ani Roque.

Kinumpirma naman ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) chairman Dr. Rene Escalante na pinadalhan nga nila ng imbitasyon si Duterte.

“Naimbita po natin ang Pangulo at sumulat siya sa akin. May importanteng lakad daw siya sa Mindanao kaya hindi po siya makakadalo,” ani Escalante.

Samantala, sinabi naman ni Pastor Boy Saycon, miyembro ng EDSA People Power Commission, na maliban kay Duterte ay inimbitahan din sa gaganaping pagtitipon sina dating Pangulong Fidel V. Ramos, dating Pangulong Benigno ‘Noy’ Aquino III, Vice President Leni Robredo at ilan pang opisyal ng gobyerno,

Nilinaw din ni Sayco na bukas para sa lahat ang ‘EDSA’ at hindi lamang ito para sa mga ‘dilawan’.

Noong nakaraang taon, hindi rin dumalo ang Pangulo sa EDSA celebration at mas pinili pang umuwi ng Davao City para pasinayaan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.

Loading...