PET naglabas ng ‘gag order’ sa VP poll protest

Images from DF Balita FIles

MAYNILA, Pilipinas  –  Nag-isyu ng ‘gag order’ ang Korte Suprema, na siyang tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) sa election protest na isinampa ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, para sa magkaparehong panig.

Ang naturang ‘gag order’ ay inilabas ng PET bilang antisipasyon sa nakatakdang manual recount na mag-uumpisa sa Marso 19. Pinagbawalan ng korte ang kampo nina Marcos at Vice President Leni Robredo na pag-usapan sa publiko ang kanilang kaso base sa ‘subjudice rule’.

“Considering that the revision process is about to commence, the Tribunal directs both protestant and protestee to observe the sub judice rule,” anang resolusyon na may petsang Pebrero 13 subalit nitong Miyerkules lamang inilabas sa media.

Naglabas din ng resolusyon ang PET na nag-uutos sa kampo ni Marcos para magkomento sa isinampang mosyon ni Robredo na nagwi-withdraw ng lahat ng nakabinbing mosyon sa korte. Binigyan din ng korte ng 10 araw si Marcos upang mag-sumite ng panibagong mosyon, kung mayroo man.

“Based on the records of this case, the Tribunal finds that there are no such pending motions from protestee. Accordingly, the Tribunal resolves to note the motion and require the protestant to submit his comment thereon and inform the tribunal if he intends to file a similar motion as that filed by protestee within 10 days from notice hereof,” wika ng PET.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos, hindi na sila magsasampa pa ng bagong mosyon at lahat ng nakabinbing mosyon ay na-withdraw na rin nila.

Noong nakaraang linggo, nagkasundo na ang dalawang kampo na i-withdraw ang lahat na kanilang nakabinbing mosyon, matapos ang patutsadahan sa publiko at hamunan ng bawat isa.

Loading...