PH bumaba ang ranggo sa World Corruption Index; Palasyo umalma

Image capture from Transparency International article

MAYNILA, Pilipinas  –  Bumaba ng isang puntos ang score ng Pilipinas sa ‘Corruption Perception Index” para sa taong 2017 na inilabas kamakailan ng Transparency International.

Mula sa 35, bumaba sa 34 ang nakuhang puntos ng Pilipinas para maging pang-111 na lamang sa kabuuang 180 na bansa sa buong mundo.

Ito na ang pinakamababang score na nakuha ng bansa sa loob ng 5 taon. Ang huling mababang puntos ng Pilipinas ay 34 din noong pang 2012; habang ang pinakamataas namang naabot ay 38 noong 2014. Sa taong 2016 naman ay umakyat pa sa 101st na ranggo ang bansa.

Kahanay ng Pilipinas ang mga bansang India at Maldives kung saan umano maraming insidente ng pagpatay sa mga journalists, aktibista, lider ng opposisyon at kahit mga staff ng law enforcement at watchdog agency.

“These countries score high for corruption and have fewer press freedoms and higher numbers of journalist deaths,” wika ng Transparency International.

Reaksyon ng Palasyo

Inalmahan naman ng Malakanyang ang pagbaba ng ranggo ng bansa sa Corruption Perception Index para sa nagdaang taon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sineseryoso ng kasalukuyang administrasyon ang ganitong ulat bagama’t inamin din niyang ang kurapsiyon ay hindi madaling masugpo.

“The Chief Executive fired many government officials, including members of the Cabinet, once he heard even a whiff of corruption.  He likewise issued Executive Order No. 43 creating the Presidential Anti-Corruption Commission and opened a citizens’ complaint hotline 8888,” wika ni Roque sa isang pahayag nitong Biyernes.

“Fighting corruption needs everyone’s cooperation.  The government cannot do it alone.  Citizens must be vigilant and report corruption,” dagdag pa nito.

Loading...