‘Pinas bilang probinsiya ng China, biro lang at ‘wag seryosohin – Palasyo

Image from Xi's Visit Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Isa lamang biro ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing probinsiya na lamang ng China ang Pilipinas; ito ang iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Roque, hindi dapat seryosohin ang binitawang salita ni Duterte dahil naniniwala pa rin umano ang Pangulo na mayroong karapatan ang Pilipinas sa West Philippine Sea at sa Benham Rise.

“So iyong biro niya is, you know, it’s just to emphasize na its ours but we’re one with China. Take it in that spirit,” paliwanag ni Roque.

“But he was very firm that we have title over the disputed area in West Philippine Sea, and we have rights in Benham – exclusive rights in Philippine Rise,” dagdag pa nito.

Ginawa ng Pangulo ang nasabing ‘biro’ sa kanyang talumpati sa harap ng mga Filipino-Chinese businessman nitong Lunes matapos sabihing siniguro sa kanya ni Chinese President Xi Jinping na hindi magtatayo ng anumang istruktura ang Beijing sa Scarborough Shoal.

“Kung gusto n’yo gawin n’yo na lang kaming province, parang Fujian, Philippines province of China. Eh, ‘di wala tayong problema, libre na lahat,” wika ng Pangulo.

Subalit hindi ito pinalampas ng ilang mambabatas sa oposisyon na nagsabing wala sa lugar ang mga ganitong banat ng Pangulo.

“Such irresponsible banter is a slap in the face of the many Filipinos, including our soldiers stationed in our occupied islands, who work tirelessly to defend our territorial integrity from China,” ani Magdalo Rep. Gary Alejano.

Para naman kay Akbayan Rep. Tom Villarin, ang mga ganitong biro umano ang nagpapakita na tuluyan nang yumuko ang Pilipinas sa China at nakumpromiso na ang kasarinlan ng bansa.

“With him as President, we will become inutile to assert our rights even through diplomacy and will be sold to China for a pittance. The joke is on us if we don’t call him out for such irresponsible statements,” paliwanag pa ni Villarin.

Loading...