PNP may 2 ‘persons of interest’ na sa kaso ng pagpatay kay Atty. Ungab

Image from Superbalita Cebu

MAYNILA, Pilipinas  –  Mayroon na umanong ‘persons of interest’ ang kapulisan sa kaso ng pagpatay sa abogado ni Kerwin Espinosa na si Atty. Jonah John Ungab.

Ayon sa ulat ng Sun Star, dalawa katao ang tinitingnan ngayon ng Task Force Ungab na posibleng sangkot sa pananambang sa bise alkalde ng Ronda, Cebu noong Lunes. Isa umano sa rito ay ang spotter, habang ang isa naman ay ang gunman mismo.

Nakakuha na umano ng malinaw na kopya ng CCTV sa lugar kung saan makikita ang isang lalaking nasa loob ng Qimonda building kung saan nanggaling si Ungab bago ang pamamaslang.

“When the victim (Ungab) was on board his car picking up his wife at the entrance of the building, he stared at the plate number from behind suspectedly to identify the model and the plate number,” ani Senior Insp. Jonathan Taneo.

Lumapit din umano ang lalaki sa sasakyan para siguruhin na ang abogado nga ang nasa driver seat. Nakita rin daw sa CCTV na lagi itong may kausap sa cellphone habang nagmamatyag.

Sa isang CCTV naman ay nahagip din ang isang lalaki na mayroon ding kausap sa cellphone malapit sa gate ng gusali. Ang oras na nakita sa CCTV ay tumugma umano sa oras ng insidente na nagresulta sa pamamaril kay Ungab.

Ipapakita ng mga imbestigador sa pamilya ng napaslang na bise alkalde ang mga larawan ng dalawang ‘persons of interest’ para matukoy kung kilala nila ang mga ito.

Nakikipag-ugnayan na rim umano sila sa ilang testigo sa insidente upang mabuo ang cartographic sketch ng mga salarin, ayon pa kay Taneo.

Loading...