QCPD tuloy pa rin ang pagsasampa ng kaso laban sa abogadong inambush at nakapatay ng pulis

Image capture from video by ABS-CBN News via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Tuloy pa rin ang pagsasampa ng kasong homicide laban sa abogadong tinambangan at nakapatay ng isang pulis noong nakaraang linggo sa may panulukan ng EDSA; ito ang kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Huwebes.

Nilinaw naman ni QCPD chief Guillermo ELeazar na ‘procedural’ lamang ang pagsasampa ng kaso laban sa abogadong si Argel Joseph Cabatbat at sa kanyang dalawang kasamahan na sina John Ramos at Rodel dela Cruz, at driver na si Ardee Llaneras dahil mayroon umanong nasawi sa pananambang.

“It is true that Cabatbat is the victim, but it is procedural to file the case because someone died. We will let the prosecutor decide if the charges will be filed before the court,” ani Eleazar sa panayam ng Inquirer.

Magugunitang tinambangan ang SUV nina Cabatbat umaga noong Pebrero 13 sa may bahagi ng EDSA malapit sa East Avenue. Napatay sa ambush ang isa sa suspek na nakilalang si PO1 Mark Ayeras, isang AWOL na pulis na nakadestino sa National Capital Region Police Office (NCRPO) habang sugatan naman ang kanyang kasamahan na si John Paul Napoles.

Ayon kay Cabatbat, handa siyang harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya at tiwala siyang maaabsuwelto rito.

“Should they file a case against me, I am confident that I can successfully defend myself. The truth will come out and it will become clear that I only acted in selfdefense within the bounds of the law,” ani Cabatbat.

Nauna nang sinabi ng QCPD na maaari ring sampahan ng kasong illegal possession of firearms sina Cabatbat at ang kanyang mga kasamahan lalo pa’t lumalabas na walang kaukulang dokumento ang mga armas na nasamsam mula sa kanila nang mangyari ang insidente.

Samantala, sinampahan na ng kasong attempted murder at illegal possession of firearms si Napoles habang pinaghahanap pa rin ang isa pa nilang kasamahan.

Loading...