Sen. Poe isinusulong na magkaroon ng libreng wi-fi sa mga bus stops, terminals

Image from Solar News

Para sa mas kaiga-igayang pagbibiyahe ng mga pasahero, nais ni Senadora Grace Poe na magkaroon ng free wi-fi at malinis na pasilidad ang lahat ng land transportation terminals, pit stops at rest stops sa buong kapuluan.

Ayon sa kanyang press release, sinabi ni Sen. Poe na ang inihain niyang Senate Bill No. 1695 ay naglalayon na lalo pang mapabuti ang travelling experience ng mga Pilipino.

Ang nasabing panukala ay nag-aatas sa mga may-ari, operator at administrator ng mga transportation terminals, stations, stops at rest areas na makipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology para sa paglalagay ng mga kinakailangang pasilidad para matiyak ang pagkakaroon ng libreng wi-fi para sa mga pasahero.

Nakapaloob rin sa panukalang batas ang  paglalagay ng libre at malinis na pasilidad tulad ng palikuran para sa mga pasahero, lalung-lalo na iyong mga bumibiyahe ng mahigit walong oras. Magkakaroon umano ng random inspection ang Department of Transportation upang siguruhing sumusunod ang mga establisyimento.

Ipinagbabawal din sa ilalim  ng panukala ang paniningil sa mga pasahero na gumagamit ng mga palikuran. Ang mga lalabag ay papatawan ng P5,000 multa sa bawat araw ng paglabag.

 

Loading...