Senador Tito, ikinumpara sa sinigang ang 49 taon na pagsasama nila ni Helen

Imahe mula sa Instagram account ni @helenstito

Ikinumpara ni Senador Tito Sotto sa sinigang na baka ang masayang pagsasama nila ng kanyang asawang si Helen Gamboa.

Ayon sa PhilStar, ngayong darating na Setyembre ay magdiriwang na ng ika-49 wedding anniversary ang Senador at ang kanyang misis na isang aktres. Bagama’t hindi maikakaila na mahirap magkaroon ng isang masaya at long-lasting na relasyon sa mundo ng showbiz at pulitika, pinatunayan nina Sotto at Gamboa na hindi ito imposible.

Kagaya raw ng classic dish ng asawa niya na sinigang na baka ang kanilang pagsasama.

“Kumpleto! May gulay, may sabaw, at may beef. Masarap at puwede pang maanghang. Lahat ng ingredients para sa masarap na ulam ay ‘andoon na, tulad ng aming pagsasama,” aniya.

Hindi raw namalayan ng senador na halos limang dekada na ang kanilang pagiging mag-asawa.

“We still laugh together, we enjoy doing things together at sa tingin ko, we are both aging pretty well. Binigyan ako ng Panginoon ng regalo kay Helen,” dagdag niya.

Anniversary date!

A post shared by Tito Sotto (@helenstito) on

Nagsimula umano ang kanilang pag-iibigan noong 1967. Isang beauty queen/movie star si Gamboa samantalang isang recording artist at record producer naman si Sotto.

Na-love at first sight daw si Sotto kay Gamboa sa set ng isang pelikulang ginagawa noon ng aktres.

“Lowbatt agad ako. Doon pa lang alam ko na, na gusto ko siyang makasama,” saad niya.

Pero hindi raw niya kaagad ito naligawan dahil sa sobrang higpit ng mga magulang nito. Nang maging sila na raw, nagtanan sila at pasikretong nagpakasal sa Sto. Tomas, Batangas.

“After ng kasal namin, doon pa lang ako pinayagan na bumisita sa kanya at umakyat ng ligaw. Bibisitahin ko siya three times a week. Hindi pa kami tumuloy sa isang bahay until our January 2, 1971 wedding, na 14 months pa after ng nauna naming kasal sa Batangas,” wika ni Sotto.

Tiniyak rin ni Sotto na sa loob ng 49 years, hindi nagbago ang pagmamahal at dedikasyon niya para sa asawa. Dagdag nito, ang kaligayahan ng kanyang asawa ang laging mauuna.

Gayunman, katulad ng iba dumaan din daw sa mga pagsubok ang kanilang relasyon.

“Always go for the give and take but it’s better kung mas magiging maunawain ang lalake kesa sa babae. Dapat magbigay dapat ng leeway sa relasyon, happy wife is a happy life. Kung ano ang ikasasaya niya ay ikasasaya ko rin. She’s my everything. Sa 69 taon ko, kasama ko siya sa 49 taon doon. She’s my life,” paliwanag niya.

Bukod sa pagmamahal nakatulong din daw ang matatag na pananampalataya nila.

Loading...