Suweldo ng government nurses ipinanukala na itaas sa P30,000 kada buwan

Imahe mula sa Facebook page ng Makabayan bloc

Bilang tugon sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin dahil sa tax reform na ipinatupad ngayong taon, ang mga kasapi ng Makabayan bloc sa House of Representatives ay naghain ng panukala na itaas ang sahod ng mga government nurses at iba pang mga kawani ng pamahalaan.

Ang Makabayan bloc ay kinabibilangan ng mga mambabatas na sina Carlos Zarate ng Bayan Muna, Emmi de Jesus at Arlene Brosas ng Gabriela, Antonio Tinio at France Castro ng ACT-TEACHERS, Ariel Casilao ng Anakpawis at Sarah Elago ng Kabataan.

Ayon sa ulat ng Politiko, inihain ng mga nasabing mambabatas ang House Bill 7196 o “An Act Upgrading the Minimum Monthly Salary of Nurses to P30,000 and Providing for Benefits for Nurses” at ang House Bill 7197 o “An Act Increasing the Monthly Salaries of All Government, Raising the Minimum Monthly Salary in Government to P16,000 and Appropriating Funds Therefor.”

Sa kanilang pahayag, sinabi ng Makabayan bloc na inihain nila ang mga panukala dahil na rin sa malawakang panawagan ng mga kawani at nurses ng pamahalaan sa gitna ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin.

Umaasa ang mga mambabatas na mabibigyan ng prayoridad ang mga nasabing panukala upang maibsan ang mga pasanin ng mga kawani ng pamahalaan na silang nangunguna sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Loading...