Tsuper ng dyip, nagpakita ng kalaswaan sa 16-anyos na pasahero

Imahe kuha mula sa video GMA News

Isang jeepney driver ang inaresto matapos ireklamo ng pambabastos ng isang 16-anyos na pasahero.

Ayon sa ulat ng GMA News, palihim na kinunan ng video ng dalagita ang kalaswaang ginawa ng tsuper habang nagmamaneho ito.

Kuwento ng nagreklamo, nakaupo siya sa tabi ng jeepney driver at napansin niyang nakatingin sa kanya ang suspek sa pamamagitan ng side mirror.

“Binilangan niya po kami ng pera, ‘tapos sa side mirror, may salamin po du’n sa jeep, tiningnan niya po kami sa may salamin ng jeep. Tumatango po siya sa amin, parang inaaya niya po kami na sumama sa kanya. Sumesenyas po siya,” kuwento ng dalagita.

Naging mapahangas umano ang driver at inilabas pa nito ang maselang bahagi ng katawan.

Naglakas-loob na tumalon mula sa jeepney ang dalagita nang makita ang barangay hall sa Juan Luna street sa Tondo, Maynila at humingi ng tulong. Agad namang umaksyon ang Barangay Chairman at inatasan ang mga tanod na abangan ang pagbalik ng driver.

Matapos lang ang ilang minuto ay bumalik ang driver at doon na ito inaresto. Kinila ang suspek na si Rodel Seloso Cervales, 36-anyos. Sinampahan ng kasong act of lasciviousness ang suspek.

 

 

Loading...