16 years in heaven: Fan page, ibinahagi kung gaano kasaya ang huling 3 araw ni Rico Yan

Mga imahe mula sa Instagram account ng @ricoyanclaudine

Sa gitna ng lungkot, ginunita ng isang fan page ang ika-16 anibersaryo ng pagyao ni Rico Yan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng masasayang karanasan ng aktor sa huling tatlong araw ng buhay nito.

Sa Instagram, ibinahagi ng @ricoyanclaudine ang larawan ng mga pahina ng isang magasin na naglalaman ng mga kuwento at larawan mula sa masayang bakasyon ng aktor sa Dos Palmas Resort sa Palawan; simula sa pagpunta nito sa resort noong Marso 26, 2002 hanggang sa huling araw nito noong Marso 28, 2002.

16th yrs since you left us and join our creator. Painful day for us, we so love and miss you ry,” saad ng caption ng mga larawan.

[Labing-anim na taon na simula noong iwan mo kami para makapiling ang Panginoon. Kirot ang dala ng araw ng ito para sa amin, mahal na mahal ka namin at sobrang nangungulila kami sa iyo, RY.]

Makikita sa magasin ang pagdating ni Yan at ng kanyang mga kaibigan sa Palawan noong tanghali ng Marso 26, 2002. Naglaro ng pingpong ang magkakaibigan noong hapon at sabay-sabay na naghapunan kinagabihan.

Kasama rin ang mga larawan ng mga naging aktibidad ng yumaong aktor noong Marso 27, 2002. Kitang-kita kung gaano kasaya at kakulit ito. Halatang masayang-masaya ang magkakaibigan. Nagpamasahe pa at nagkaraoke ang mga ito pagdating ng gabi.

At ang huling araw ni Yan noong Marso 28, 2002.

Sa unang pagkakataon ay ipinaghanda niya ng pagkain ang mga kaibigan. Naging mahaba ang gabing iyong para sa kanilang barkada. Natulog siya noong ikalawa ng umaga ng Marso 29, 2002.

Matatandaang pumanaw ang aktor noong Marso 29, 2002 dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis habang siya ay natutulog.

Narinig umano si Yan na umuungol noong ikaanim ng umaga subalit inakala ng kanyang mga kaibigan na basta naghihilik lamang ito.

Bandang ikasiyam ng umaga noong petsang iyon nang gisingin siya ng isa sa mga kaibigan ngunit napagtanto nito na wala nang buhay ang matinee idol.

Loading...