Aguirre inaming ‘mahina’ ang ebidensiya ng CIDG laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Inamin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na mahina ang ebidensiyang iprinesenta ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at iba pa, na naging daan upang ibasura ang kaso.

“Mahina po at hindi lamang ‘yon, pati ‘yong ebidensiyang dapat isinama na akala ng public ay isinama na katulad halimbawa nung inamin daw ni Kerwin Espinosa iyong pagti-trade niya ng drugs,” wika ni Aguirre sa panayam ng GMA News.

Paliwanag pa ng kalihim, hindi umano ibinigay bilang ebidensiya ang naging pag-amin ni Espinosa sa Senado na isa siyang drug lord.

“Ngayon hindi naman ‘yan ibinigay bilang ebidensya doon sa DOJ kaya hindi natin masasabi, hindi natin maisasama ‘yan sa mga ebidensyang gagamitin sa pagresolba doon sa mga kaso,” wika pa nito.

Ginawa ni Aguirre ang pahayag matapos ‘magbanta’ si Pangulong Rodrigo Duterte na ipakukulong niya ang kalihim kapag hindi naresolba ang nasabing kaso.

Subalit ayon kay Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, ‘biro’ lamang umano ito ng Pangulo na lagi naman niyang ginagawa sa kanyang Gabinete.

Ayon pa kay Panelo, maaari namang baliktarin ni Aguirre, bilang Justice Secretary, ang nasabing desisyon kapag nagsagawa ito ng ‘automatic review’.

Loading...