Aljur, umaming matinding kaba ang nadama nang mamanhikan kay Robin

Imahe mula sa Instagram account ni @marieltpadilla

Inamin ng aktor na si Aljur Abrenica na nakadama siya ng matinding kaba noong mamanhikan siya sa action star  na si Robin Padilla; ang ama ng kanyang fiancee na si Kylie Padilla.

Ayon sa PhilStar, aminado si Aljur na talagang kinabahan siya noong pormal niyang hiningi ang kamay ng nobya sa ama nito.

“Pumunta kami sa kanila, pinakilala ko ang sarili ko, pati pamilya ko. Tinanggap naman kami ni Tito Robin, nagkaroon ng salu-salo. Kahit sino kakabahan talaga, e, para mamanhikan, hingin mo ‘yung kamay ng anak sa isang pamilya. Panibagong chapter ‘yon,” masayang kuwento ni Aljur.

Sa ngayon, hindi pa tiyak kung kailan gaganapin ang kanilang kasal ngunit pinaplano na raw ito ng magkasintahan.

“Hindi pa namin maisarado kasi gusto naming makarating lahat. Tulad ng pamilya ni Kylie, nanay niya, pati ‘yong mga kapatid niya,” saad ni Aljur.

Labis daw ang kasiyahan ng aktor sapagkat naayos na ang gusot sa pagitan nila at ng ama ng kanyang nobya.

Malaki rin ang pasasalamat ni Aljur sa pagtanggap ni Robin sa kanya upang maging asawa ng anak.

Magugunitang sumama ang loob ni Robin kay Aljur mula nang mabuntis si Kylie at hindi pa ito mapakasalan ng aktor.

“Salamat Tito Robin. Marami siyang aral na ipinamahagi sa akin,” ani Aljur.

Samantala, pitong buwan na ngayon ang anak ni Aljur at Kylie na si Alas Joaquin.

Because FAMILY is EVERYTHING 💕💕💕

A post shared by mariel padilla (@marieltpadilla) on

Loading...