American dengue expert, ikinagulat na itinuloy ng Pilipinas ang mass vaccination gamit ang Dengvaxia

Imahe mula sa Radyo La Verdad

Ikinagulat umano ng dengue expert na si Dr. Scott Halstead ang ginawang mass vaccination gamit ang Dengvaxia anti-dengue vaccine sa mga batang siyam na taong gulang at pataas.

“I was astonished and upset that this mass immunization is going forward,” ani Dr. Halstead sa pagpapatuloy ng hearing ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa Dengvaxia nitong Martes, ika-13 ng Marso.

[Ako’y labis na nagtaka at nalungkot na itinuloy ang mass immunization na ito.]

Ayon sa ulat ng GMA News, nagbigay si Dr. Halstead ng suhestiyon na dapat ay magsagawa muna ng blood test sa mga tatanggap ng Dengvaxia bago sila binakunahan, ngunit pinagtawanan lamang siya dahil wala pa raw gumagawa ng ganoon (blood test bago bakuna).

Sa kanyang pakikipag-usap sa Sanofi ilang taon na ang nakararaan, ang Dengvaxia ay ligtas umano sa mga “seropositive” o ‘yung mga nagkaroon na ng dengue infection. Ang “seronegative” naman ay tumutukoy sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Nararapat lang umanong magkaroon ng blood test upang mapaghiwalay ang mga seropositive at seronegative.

Ang mass vaccination ay itinuloy ng pamahalaan noong nakaraang administrasyon kahit walang blood test na isinagawa upang malaman umano kung sino ang seropositive at seronegative.

 

Fact-checked against the following source(s) :

GMA Network, Radyo Inquirer, Radyo la Verdad