Arwind Santos, pinagmulta ng P25,000 ng PBA

Imahe buhat sa isang Youtube video

Pinagmulta ng P25,000 si Arwind Santos ng San Miguel Beermen matapos niyang punahin ang tawagan sa Game 3 ng serye nila laban sa Ginerbra noong Martes.

Pagkatapos ng laro, nagbitiw si Santos ng komento tungkol sa paraan ng tawagan sa laro. “Medyo ano eh… May mga shadow eh… Parang may mga shadow ‘yung mga players kanina eh. Parang ‘yung lima nagiging walo,” ani Santos.

“Kaya parang nahihirapan kami bantayan kasi lima lang ‘yung kalaban, pero nagiging walo. Ewan ko kung sobrang bilis kaya may shadow?” dagdag niya.

Nakarating sa pamunuan ng PBA ang komento ni Santos; dahilan upang ipatawag siya sa opisina ni Commissioner Willie Marcial upang magpaliwanag Miyerkules ng hapon.

Hinggil sa ulat ng Spin.ph, ang dating Far Eastern University player ay pinagmulta ng P20,000 dahil sa mga pahayag niya na ayon kay Marcial ay “detrimental to the league.”

Pinagmulta rin siya ng karagdagang P5,000 dahil sa isang “flagrant foul 1” laban kay Ginebra center player Japeth Aguilar sa 3rd quarter ng huli nilang laro.

Saad ni Marcial, humingi na ng paumanhin si Santos sa mga nasabi niya laban sa liga.

“Nadala lang daw ng emosyon,” ani Marcial.

Naitala ng Ginebra ang unang panalo nila laban sa San Miguel noong Martes, 95-87 ngunit lamang pa rin sa serye ang San Miguel (2-1) sa best-of-seven PBA Philippine Cup semifinals.

Matatandaan na isa si Santos sa mga naging bayani sa huli nilang panalo laban sa Ginebra upang makalamang ng 2-0 sa kanilang serye. Naipasok ni Santos ang kanyang three-point shot para maitabla ang laro sa mga huling segundo ng laban. Nanalo sila sa overtime sa score na 104-102.

Loading...