Drug trafficking case laban kay Kerwin Espinosa, Peter Lim at iba pa, ipinarerepaso ng Palasyo

Image capture of video by GMA News

Matapos ibasura ng prosecution panel ng National Prosecution Service ang mga kasong drug trafficking laban sa negosyanteng si Peter Lim, sa self-confessed Visayan drug lord Kerwin Espinosa, Lovely Impal at iba pa, inataasan ng Palasyo ang Department of Justice (DOJ) na repasuhin ang mga nasabing kaso.

Ang dismissal ng mga drug cases ay hindi pa naman maituturing na pinal, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dahil kailangan pa iyong rebisahin ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre. Naniniwala si Roque na bubusisiin ng Justice secretary ang mga kaso.

Ayon sa GMA News, naglabas rin ng isang statement ang DOJ secretary na nagsasabi na hindi pa pinal ang pagkaka-abswelto kay Espinosa, Lim at sa tinaguriang drug queen of the South na si Lovely Impal.

Anang justice secretary, sa kasalukuyang procedure ng DOJ ay may dalawang paraan upang marebisa ang nasabing kaso. Ang una ay sa pamamagitan umano ng motion for reconsideration at sa pamamagitan ng isang automatic review na gagawin ng office of the DOJ secretary.

Ang mga kaso laban kay Espinosa, Lim, Impal at iba pang drug personalities ay na-dismiss na noon pang ika-20 ng Disyembre 2017 ngunit kailan lamang naisapubliko. Mahina umano ang mga ebidensiyang inihain laban sa kanila.

 

Fact-checked against the following source(s) :

GMA Network, Radyo Inquirer