Gadon muling nagsampa ng kaso laban sa 5 opisyal ng Korte Suprema

Image capture from video by GMA News via You Tube

MAYNILA, Pilipinas  –  Muling nagsampa ng reklamong graft si Atty. Larry Gadon laban sa 5 opisyal ng Korte Suprema kabilang ang nagbitiw na IT consultant na si Helen Perez-Macasaet.

Maliban kay Macasaet, sinampahan din ni Gadon ng kaso sina Maria Lourdes Oliveros, chief of staff ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, at Michael Ocampo, na nagtatrabho rin sa opisina ni Sereno.

Ang reklamo laban sa 3 ay may kaugnayan sa umano’y kuwestiyonableng pagkuha kay Macasaet bilang IT consultant na binayaran ng malaking halaga sa loob ng apat na taon.

“Aking inihahain ang complaint na ito sapagkat binayaran ng napakalaking halaga si Helen Perez-Macasaet na hindi dumaan sa bidding. Ito ay ni-renew pa six times na hindi rin dumaan sa bidding,” paliwanag ni Gadon sa isang panayam.

“Kaya ito ay isang malinaw na graft and corruption case,” dagdag pa nito.

Nagsampa rin ng reklamo ang kontrobersiyal na abogado laban kina Jocelyn Fabian na nagtatrabaho rin sa opisina ni Sereno, at Anna-Li Papa-Gombio, ang deputy clerk of court. It ay may kaugnayan naman sa mabagal na proseso ng pag-claim ng survivorship benefit ng mga naulila ng mga dating huwes.

Ayon kay Gadon, dati ay linggo lang ang inaabot ng nasabing proseso subalit nang hawakan na ito nina Gombio at Fabia, umabot na ng dalawang taon at kadalasan ay disapproved pa.

Samantala, hindi na isinama ni Gadon sa kanyang reklamo laban sa iba pang opisyal na binantaan niya dating sasampahan ng kaso.

Ayon sa ulat ng Rappler, ito ay sina  Ma Carina Cunanan, Thelma Bahia, at Corazon Ferrer Flores na pawang nagmula sa Fiscal Management and Budget Office; Deputy Court Administrator Raul Villanueva ng Bids and Awards Committee; at Czarina Encarnacion Samonte-Villanueva mula naman sa Office of the Chief Justice.

Sina Cunanan at Villanueva ay kabilang umano sa mga empleyadong nakasuot ng pulang damit na namataan sa ginanap ng flag ceremony ss Koret Surprema nitong Lunes.

Loading...