Healthy naman pala! Enrile nais muling ipabalik sa detention ng isang mambabatas

Image from Filipino Community Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Nais muling ipakulong ng isang mambabatas ng Mababang Kapulungan si dating Senate President Juan Ponce-Enrile.

Ito ay matapos lumabas sa balita na nagboluntaryo si Enrile na maging bahagi ng team ng prosecution panel na maaaring umusig kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sakaling tuluyang maisulong ang impeachment complaint sa Senado.

Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, pinayagan ng Korte Suprema ang 94-anyos na dating senador na makalabas ng kulungan sa dahilang may-edad na at mahina na ito at bilang ‘humanitarian consideration’.

Subalit mistulang hindi umano ito ang kaso ni Enrile dahil mukhang malakas pa naman talaga at handa pang makipagsabayan sa impeachment.

“He was released… based on physical incapacity because he’s 94 years old, so if he is agile and can move then perhaps he should be put back in jail, [in] which case he can involve himself in the trial while in jail,” ani Villarin sa panayam ng ABS-CBN News.

Si Enrile ang presiding judge ng impeachment trial laban kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona noong 2012.

Samantala,  ayon kay House justice committee chairman Rep. Reynaldo Umali, maliban kay Enrile, posible rin umanong maging bahagi ng prosecution team si Atty. Biboy Malaya habang pasok naman sa depensa ang mga pribadong abogado na sina Atty. Tranquil Salvador at Atty. Dennis Manalo.

Loading...