Ina ng dalagang pinaghihinalaang isang NPA, nakatanggap ng ***** threats sa social media

Imahe kuha mula sa video ng SunStar Cebu

Ang journalist na si Grace Albasin, dating director ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ay nakatatanggap ng mga pagbabanta sa kanyang buhay matapos maaresto ang kanyang anak at lima pang iba na diumano ay mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Sa Facebook page ng NUJP, sinabing si Ginang Albasin na ina ng 21-anyos na youth activist na si Myles Albasin ay una siyang nakatanggap ng ***** threat sa kanyang Messenger account mula sa isang “Jeprox Raider.”

“Mga NPA mong animal mo, good luck may the bullet find you,” banta umano ni Jeproy Raider kay Ginang Albasin ayon sa NUJP alert.

Ang sumunod na pagbabanta ay ginawa umano sa pamamagitan ng pagkomento sa isang Facebook post ni Ginang Albasin.

“Sana sa susunod manglaban na lang siya ha, or kayo mismo mga magulang na kinain ng sistema, may the bullet find you someday, that’s the curse of the public for you, you NPA buttheads,” pagbabanta pa ulit umano ni Jeprox Raider.

Ani Ginang Albasin, kapag lumala pa umano ang mga pagbabanta ay mapipilitan na siyang humingi ng proteksyon mula sa ahensya ng pamahalaan gaya ng anti-cybercrime unit ng Philippine National Police. Sa ngayon ay iniipon niya ang mga komento ng pagbabanta upang i-report ang mga iyon sa awtoridad.

Si Myles Albasin na isang Mass Communications graduate at ang iba pang mga kasama ay nasa Negros Oriental upang makipagpulong sa Negros Farmer’s Association upang alamin ang mga problema ng mga magsasaka nang arrestuhin sila ng militar na nagsabing mga NPA umano ang anim.

Pinabulaanan naman ni Ginang Albasin ang alegasyon ng militar at tahasang sinabi na bagama’t isang aktibista ang anak, hindi ito miyembro ng NPA o nasangkot man lang sa mga rebel activities.

SI Myles ay kasalukuyang nakapiit sa Negros Oriental Provincial Detention and Rehabilitation Center.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Facebook, InterAksyon, Sun Star