Isa lang sa bawat limang kompanya ang handang magbigay ng trabaho sa K-12 graduates

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Sa darating na buwan ng Abril ay mahigit isang milyong senior high school students ang magsisipagtapos bilang unang batch sa ilalim ng K-12 program ng Department of Education (DepEd).

Ang iba sa kanila ay magpapatuloy sa kolehiyo at ang ilan naman ay nais nang maghanap ng trabaho upang makatulong sa pamilya.

Ipinangako ng nasabing programa ng DepEd na ang mga graduates ng senior high school ay “employable” na o maaari nang matanggap sa mga kompanya kung sakaling piliin na nilang magtrabaho kaysa magpatuloy sa kolehiyo.

Ang tanong ay malaki ba ang posibilidad na matanggap sila sa trabaho?

Sa ulat ng ABS-CBN, batay umano sa survey na isinagawa ng Philippine Business for Education (PBEd), lumalabas na hindi pa handa ang karamihan sa mga pribadong kompanya na bigyan ng trabaho ang mga graduates ng senior high school.

Ayon sa nasabing survey, isa lamang sa bawat limang kompanya ang payag na magbigay ng trabaho sa kanila.

“They have not changed their HR policies. Nakalagay pa diyan minimum requirement ay college o university diploma,” ayon kay Lovelaine Basillote ng PBEd.

Ayon naman sa Philippine Chamber of Commerce and Industry, may pag-asa pa naman ang mga senior high school graduates na matanggap sa mga pangunahing industriya kung magsisikap silang maging mahusay sa tinatawag na “21st century skills” gaya ng “critical thinking” at “innovation.”

Sinabi ng DepEd na nakikipagtulungan sila sa iba’t ibang industriya upang magkaroon ng mas marami pang oportunidad ang mga senior high school graduates.

Source :

ABS-CBN, YouTube

Loading...