Kasong rebelyon laban sa asawa ng nasawing lider ng Maute Group, ibinasura ng DOJ

Imahe mula sa CIDG-ARMM

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang isinampang criminal complaint ng Philippine National Police (PNP) laban sa asawa ng isa sa mga napaslang na lider ng Maute terror group.

Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, batay sa walong pahinang resolusyon na pinirmahan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter L. Ong, na siyang tagapangulo ng DOJ Task Force Marawi, dinismis ng DOJ ang rebellion complaint na inihain ng Criminal Investigation and Detection Group ng PNP laban kay Najiya Dilangalen Karon-Maute dahil sa walang sapat na ebidensiya.

Si Najiya ay inaresto noong Enero 28, 2018 matapos siyang akusahan ng pulisya at militar na tumutulong sa mga miyembro ng Maute terror group.

Ang reklamong rebelyon laban kay Najiya ay ibinase sa testimonya ng isang Martino Elyana na diumano ay nakakita sa kanya at sa kanyang asawang si Mohammadhayan “Otto” Maute na nagdadala ng pagkain sa mga miyembre ng Maute Group sa loob ng Bato Mosque noong Hunyo ng nakaraang taon.

Ang desisyon ng DOJ ay ibinatay sa isang Supreme Court decision noong 1963 kung saan sinabing ang pagdadala ng pagkain ay hindi nagpapatunay na may intensiyong tumulong sa paggawa ng rebelyon o insureksyon.

 

Loading...