Makaraang ibasura ang kaso nina Espinosa at Lim: Aquino, iba pang mambabatas naniniwalang dapat nang palayain si De Lima

Image capture from Bam Aquino Facebook account / File Photo

Naniniwala si  Senador Bam Aquino na dapat na ring palayain mula sa pagkakabilanggo sa PNP Custodial Center si Sen. Leila de Lima makaraang  ibasura ang kasong may kinalaman sa iligal na droga sa mga itinuturong drug lords na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter at iba pa.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, dismayado ang Senador sa naturang desisyon ng National Prosecution Service (NPS) na pabor umano sa mga pinaghihinalaang drug lords.

Dahil sa kaganapang ito, sinabi ng mambabatas na dapat na ring palayain si De Lima makaraang maabsuwelto ang mga taong umano’y nagbigay dito ng “protection money” upang mapagtakpan ang transaksyon sa iligal na droga ng mga sindikato ng droga sa Visayas.

Saad pa ni Aquino, kung seryoso ang pamahalaan sa drug war mismong ang mga malalaking personalidad sa droga ang papanagutin sa batas at hindi lamang ang mga maliliit na supplier na napapaslang sa operasyon ng mga awtoridad.

Dagdag pa nito, 99.9% ng mga napapatay sa drug war ay mahihirap lamang  at inosente pa aniya ang iba sa mga ito.

Kinuwestiyon din ni Aquino ang estado ng hustisya sa bansa.

Samantala maliban kay Aquino hinikayat din nina Ifugao Rep. Teddy Baguilat at Akbayan Rep. Tom Villarin ang pamahalaan na palayain na si De Lima.

Paniwala ng dalawang Kongresista, na-compromise na ang kaso kay De Lima dahil sa naging paborableng desisyon sa pagbasura ng kaso nina Espinosa, Lim at ng iba pang nasasangkot sa kaso.

 

Loading...