Mga negosyante umaaray na sa maraming holiday sa bansa

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Dumaraing na ang mga negosyante dahil sa dami umano ng mga holiday sa bansa. Apektado kasi nito ang gastusin nila sa negosyo.

Batay sa ulat ng ABS-CBN, maging ang Business Process Outsourcing ay umaaray na sa dahilang umaaabot na raw sa P750 milyon ang dagdag na gastos ng industriya sa bawat araw na idinedeklarang holiday.

Pahayag ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines, nagiging mas magastos daw ang operasyon nila sa pagsasabatas at pagdedeklara ng mga holiday na makaaapekto rin sa pagiging viable ng Pilipinas bilang lokasyon ng outsourcing work.

Ayon naman kay Arthur Dy, isang negosyante na may-ari ng pabrika ng plastik, kung patuloy umano na tataas ang gastos ng operasyon ng kanyang negosyo ay mapipilitan siyang magtaas ng presyo ng produkto.

Nagbabala rin siya na posibleng gawin na lang nilang automated ang operasyon o mga robot na ang gagawa ng mga trabaho sa pabrika sa halip na mga manggagawa.

“Mag-automate kami, ‘yong nagagawa ng isang human worker, robot na ang gagawa. So walang overtime, walang holiday pay,” ani Dy.

Sa datos ng Department of Labor and Employment, hindi bababa sa 21 days ang regular at special non-working holidays sa bansa taon-taon. Posible pa itong madagdagan kapag naipasa na ang panukalang gawing holiday ang Hulyo 27 bilang paggunita sa anibersaryo ng Iglesia ni Cristo.

Loading...