Mga sanggol na nakapreserba sa bote natagpuan sa abandonadong bahay sa Tokyo, Japan

Imahe mula sa Secret Flying

Ilang bote na nagtataglay ng mga katawan ng mga sanggol ang natagpuan ng mga termite exterminators sa ilalim ng sahig ng isang abandonadong bahay sa Japan.

Ayon sa Daily Mail, ang mga termite exterminators ay nagtatrabaho sa isang bahay na under renovation sa Tokyo nang madiskubre ang mga nakapreserbang sanggol sa loob ng mga bote.

Apat na bote umano ang natagpuan sa ilalim ng sahig ng bahay na tatlong taon nang abandonado sa Hakusan, Bunkyo Ward sa nasabing siyudad.

Ang mga sanggol ay nakapreserba umano sa isang uri ng likido na mistulang formalin. Ilan sa mga natagpuang sanggol ay may nakakabit pang umbilical cord.

Ang  bahay na walumpung taon na ang tanda ay dati umanong pag-aari ng lolo at lola ng namamahala ng ari-arian bago ito ipina-renovate ng bagong nagmamay-ari. Ang mag-asawa ay kapwa obstetrician at gynaecologist.

Ang mga lokal na pulis sa Tokyo ay nagsasagawa na ng imbestigasyon, subalit tumanggi nang magbigay ng komento tungkol sa natuklasang mga bote.

 

Loading...