Monthly tax collection ng PCSO mula sa lottery winnings aabot na sa isang bilyong piso

Imahe mula sa Pinoy Money Talk

Ang buwanang tax collection ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula sa lottery winnings ay inaasahang aabot na sa P1 bilyon.

“Sa buwan-buwan na ipinapatong sa [PCSO] na tax, nang kinumpyut namin dati-rati ang ibinibigay namin na tax mula sa lahat ng ating lottery games ay P500 million. Ngayon, aabot na ng P1 billion,” pahayag ni PCSO general manager Alexander Balutan nitong Lunes, ika-12 ng Marso.

Ayon sa MSN, mula nang maipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa pagsisimula ng taong 2018 ay tumaas na ang kinikita ng PCSO ng 2.81 percent.

Sa ilalim ng TRAIN law, ang PCSO ay inatasan na magkaltas ng 20 porsiyentong buwis mula sa mga premyo ng mga lottery games na labis sa P10,000.

Ayon kay Balutan, kahit na bawasan umano ng 20% tax ang premyo ay maituturing pa rin na malaking suwerte iyon. Inihalimbawa niya ang P100 million jackpot prize na kung ibibigay sa pamahalaan ang P20 million (20% ng P100 million) bilang buwis ay malaking halaga pa rin iyon na dapat ikatuwa ng jackpot winner.

Dagdag pa ni Balutan, kahit na umano nagpataw ng 20% tax sa premyo ay marami pa rin ang mga tumataya sa mga lottery games kaya umaasa sila na lalo pang lalaki ang kinikita ng PCSO. Aniya, mas maraming Pilipino ang matutulungan ng PCSO sa paglago ng kinikita nito.

Loading...