Muling pagbigay ng posisyon sa gobyerno ng sinibak na pinsan ni Honeylet, ipinagtanggol ng Palasyo

Image from Dox Avanceña Aradanas Facebook account

MAYNILA, Pilipinas – “Executive prerogative”; ito ang depensa ng Palasyo sa muling pagtalaga sa bagong posisyon sa gobyerno ng sinibak na pinsan ni Honeylet Avanceña; ang common-law wife ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala umanong maaaring kumuwestiyon sa kapangyarihan ng presidente na mag-appoint sa posisyon ng kahit na sino.

“Appointment of course is purely an Executive prerogative. So no one can question the inherent power of the President to appoint anyone,” wika ni Roque sa ginanap na press briefing nitong Lunes.

Magugunitang noong nakaraang linggo ay inappoint bilang deputy secretary general ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) ang pinsan ni Honeylet na si Melissa Avanceña Aradanas.

Si Aradanas ay kabilang sa 5 commissioner ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na sinibak ng Pangulo noong nakaraang taon kabilang na ang chairperson nito na si Terry Ridon.

Minsan pang ipinagmalaki noon ni Duterte sa kanyang talumpati ang pagkakatanggal sa pinsan ni Honeylet.

“Pati siya tinanggal ko, but I told my wife, ‘You call your cousin and say, alis sila,” wika noon ng Pangulo.

Loading...