Pangulong Duterte bumisita sa burol ng napatay na intelligence officer ng Norzagaray police

Image capture from video by RTVM via PCOO

MAYNILA, Pilipinas  –  Dinalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang burol ng intelligence officer ng Norzagaray municipal police na napatay sa isinagawang buy-bust operation noong nakaraang Sabado.

Kasabay nito, iginawad din ng Pangulo ang Order of Lapu-Lapu (Rank of Kalasag) kay SPO1 Ronaldo B. Legaspi, ang  napaslang na chief intelligence officer ng Norzagaray municipal police Drug Enforcement Unit.

Si Legaspi ay nabaril at napatay ng hinihinalang drug lord na si Rolando Padura habang isinasagawa ang operasyon.

Ayon sa imbestigasyon, si Legaspi mismo ang bumili ng shabu mula kay Padura subalit naghinala ang suspek na isang undercover agent ang kanyang kausap kaya bumunot agad ito ng baril at pinaputukan nang ilang beses ang pulis sa tiyan at dibdib.

Naisugod pa sa Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte si Legaspi, na nagtamo ng apat na tama ng bala, subalit pumanaw din ito makaraan ang ilang oras.

Napatay din ng mga kasamahang pulis ni Legaspi si Padura.

Bilang pagkilala sa kabayanihan ni Legaspi, pinagkalooban ng Pangulo ang naulilang pamilya ng pinansiyal na tulong, 1 cellphone unit, at scholarship para sa kanyang tatlong naiwan na anak.

Ayon kay Bulacan Police Provincial Office director Senior Superintendent Romeo M. Caramat Jr., si SPO1 Legaspi ay bibigyan din ng ‘hero’s burial’.

Loading...