‘Suffer SiReyna’ ng Eat Bulaga! insulto umano sa mga bakla; Allan K at Paolo B binatikos sa pagsang-ayon sa segment

Image capture from Paolo Ballesteros/ Allan K Instagram account

Binatikos ng isang mamamahayag ang Eat Bulaga! segment na Suffer SiReyna dahil sa kawalan umano nito ng respeto sa mga bakla.

Sa Facebook post ni Alwyn Ignacio, ibinahagi nito ang kanyang saloobin hinggil sa naturang segment.

Ang Suffer SiReyna na spoof ng SuperSiReyna ay hindi nakakatuwa, hindi nakakatawa at mas lalong hindi nagbibigay respeto sa mga bakla.

Sa nasabing segment, pinaglalaruan, tinutudyo at lantarang pambabastos ang ginagawa sa mga baklang hindi kagandahan. Sobrang pang-iinsulto at panlalait ang tinatanggap ng mga baklang salat sa kariktan na sa huli, barya-barya lang ang iuuwi.

Saad pa ni Ignacio, ang naturang segment ng Eat Bulaga! ay pagdidiin sa mga baklang hindi kanais-nais ang anyo na ang kanilang laging papel sa lipunan ay katawatawa.

Binatikos din nito sina Allan K, Paolo Ballesteros at ang mga baklang kasali sa produksiyon na sumang-ayon sa segment.

Ang mga progressive gay groups, tahimik na tahimik na naman kayo sa kaganapang ito? Hindi ba natin natatandaan ang sinabi ni Coring sa pelikulang Ang Tatay Kong Nanay: ‘Ako at lahat ng kapatid ko rito, ay tao rin naman. Marunong din akong tumawa. Marunong din akong umiyak. Kung ang pusa nga kapag natatapakan, ngumingiyaw din.’

Lantarang bastusan sa telebisyon ang ginagawa sa mga sumasali sa Suffer SiReyna, ano ito, bulag, pipi at bingi kayo sa katotohanan? Hanggang kailan natin papayagan ang ganito, na laging ginagawang katatawanan at pinaglalaruan ang mga bakla at kabaklaan? Lagi na lang bang ang drama natin, it only hurts when we laugh?”

Wala pang tugon ang Eat Bulaga hinggil dito.

Fact-checked against the following source(s) :

Facebook, Bandera