Taxi driver na tumakas matapos mabangga ang ambulansya, lumitaw na

Imahe kuha mula sa video ng GMA News

Lumutang na ang taxi driver na nakabangga sa isang ambulansyang may dalang pasyente upang diumano’y humingi ng paumanhin sa nangyari.

Ayon sa ulat ng GMA News, nagtungo ang taxi driver na kinilalang si Christopher Ruben sa Barangay Malanday sa San Mateo, Rizal upang humingi ng dispensa matapos umano nitong mapanood sa telebisyon na pinaghahanap siya dahil tinakbuhan niya umano ang responsibilidad.

Paliwanag ni Ruben, hindi siya tumakas noong nangyari ang banggaan noong ika-8 ng Marso sa panulukan ng Mayon Street at Cuenco St. sa Quezon City. Aniya, nagtungo siya sa Barangay na nakasasakop sa lugar ng pinangyarihan upang ayusin ang aksidente ngunit wala umanong saradong usapan kaya umuwi na siya.

“Na-misinterpret nila. Hindi na siguro ako nagpaalam kasi wala naman kaming pinagtapusan  ng usap doon sa Barangay Teresita, eh. Basta ang tinanong lang nila sa akin ay kung magko-complain lang ako.

Nangako si Ruben na tutulong sa pagpapakumpuni ng ambulansya na nagtamo ng mga pinsala sa dakong harapan nito. Tutulong din daw siya sa mga pasahero ng ambulansya na nasugatan, subalit uunahin niya raw muna na ipaayos ang ambulansya.

Kahit paano ay natuwa naman sa paglutang ng taxi driver ang dalawang sakay ng ambulansya na nasugatan sa banggaan. Anang isang bikitma, ang nais niya lamang ay matulungan siya sa nagastos sa pagpapagamot at mabayaran ang mga araw na hindi siya nakapasok sa trabaho.

 

Loading...