10 *****, 15 sugatan matapos sagasaan ng van sa Canada

Imahe kuha mula sa video ng Yahoo Canada News

Sampung tao ang namatay at labinglimang iba pa ang nasugatan matapos silang sagasaan ng isang van sa Yonge Street at Finch Avenue area ng North York sa Toronto noong Lunes, ika-23 ng Abril.

KInilala ng pulisya ang suspek bilang si Alek Minassian, isang 25-anyos na estudyante at residente ng Richmond Hill, Ontario.

Ayon sa Yahoo Canada News, sinabi umano ni Toronto Police Chief Mark Saunders na gamit ang isang kulay puting van ay nanagasa ng mga tao si Minassian. Aniya, sinadya ang pananagasa, ngunit hindi pa malaman kung ano ang motibo  ng suspek.

Dagdag ni Saunders, hindi nila inaalis ang terorismo bilang motibo sa pananagasang naganap.

Kuwento ng isang testigo na noon ay nagmamaneho ng sasakyan niya sa likod lamang ng van ni Minassian, nakita umano niya na sinasagasaan ng suspek ang alinmang nakaharang sa daraanan, kabilang na ang fire hydrant, mail boxes at mga tao.

Kitang-kita raw niya ang pagtilapon sa ere ng mula anim hanggang pitong tao nang sagasaan ng van.

Nang masukol ng pulis si Minassian, sinabihan pa nito ang pulis na barilin na siya sa ulo at patayin. Ngunit hindi nagpaputok ang pulis at inaresto na lamang siya.

Umani naman ng mga papuri ang pulis dahil sa pagpapakita niya ng pagpipigil.

 

Loading...