3 pasahero nasunog sa banggaan ng bus, truck na may kargang acetylene tanks

Imahe mula kay Judge Floro | Inset mula sa PNP Regional Office 3

Nasunog at halos hindi na makilala ang tatlong pasahero ng bus nang mabangga ang kanilang sinasakyan ng isang truck na may kargang mga acetylene tanks.

Ayon sa ulat ng GMA News, nangyari ang sakuna pasado alas-onse ng gabi noong Martes, ika-24 ng Abril, sa bahagi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na sakop ng Barangay Sto. Niño sa lungsod ng Tarlac.

Batay umano sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Superintendent Augusto Pasamonte, hepe ng Concepcion Police sa Tarlac, na nabangga sa kanang tagiliran ang Five Star bus na patungong Dagupan City nang bigla umanong lumabas ang truck mula sa emergency lane ng SCTEX.

Nagawa naman ng driver ng bus na maihinto ang kanyang sasakyan, subalit nawalan naman ng kontrol ang truck driver kaya dumulas ang elf truck. At nang bigla iyong huminto ay nahulog ang mga kargang acetylene tanks.

Pinabababa na umano ng driver ng bus ang mga pasahero nang biglang isa-isang sumabog at nagliyab ang mga acetylene tanks na tumama sa mga pasahero ng Five Star.

Ayon pa kay Pasamonte, patuloy nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng tatlong nasunog na pasahero.

Dalawampung iba pa, kabilang na ang driver ng bus at truck ang nasaktan sa aksidente at dinala sa Concepcion District Hospital at Sta. Risa Hospital sa bayan ng Conception upang malapatan ng lunas.

 

Loading...