Anak ng gobernador suspek sa pagpaslang sa mag-asawang may utang – PNP

Imahe mula kay Mike Gonzalez

Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang anak ni Sultan Kudarat Pax Mangudadatu na prime suspect umano sa pagpaslang sa mag-asawa sa Purok Bougainvillea, Barangay Tamnag sa bayan ng Lutayan.

Ayon sa ulat ng Brigada News, kinilala ni Senior Insp. Herman Luna, hepe ng Lutayan PNP ang mga biktima bilang si Jose Ballion at asawa nitong si Marissa, na diumano ay nagdadalang-tao. Pinagbabaril  umano ang mga biktima hanggang mamatay noong Linggo ng umaga, ika-22 ng Abril.

Bago naganap ang pamamaril ay nagkaroon na raw ng pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng mag-asawa.

Sinabi ni Luna na may testigo sa nasabing pamamaslang at ang itinuro ay si Naga Mangudadatu, na anak ni Gov. Pax. May limang kasama umano si Naga nang gawin ang krimen. Maging ang sasakyang ginamit ng mga suspek ay positibo umanong kinilala ng testigo.

Pinaniniwalaang utang ang dahilan ng pagpatay sa mag-asawa na kapwa collector ng lending company na pag-aari ni Naga Mangudadatu. Matagal na raw  na hindi nakapagreremit ng mga nasingil na pautang ang mag-asawa.

Ayon pa rin sa nasabing ulat, nakikipagnegosasyon na sa mga awtoridad ang pamilya ni Naga para sa kanyang mapayapang pagsuko.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Brigada News, Bombo Radyo

Loading...