Apat na British pilgrims *****, 12 sugatan sa road crash sa Saudi Arabia

Imahe mula sa video ng MiSa Du Co., LTD

Apat na Briton ang nasawi at 12 iba pa ang sugatan matapos salpukin ng fuel tanker ang kanilang sinasakyan sa Saudi Arabia.

Ayon sa ulat ng BBC, naglalakbay ang mga British pilgrims mula sa holy city ng Mecca patungo sa siyudad ng Medina para sa Umra pilgrimage noong Sabado, ika-21 ng Abril, nang makabanggaan ng kanilang sasakyan ang isang fuel tanker sa bayan ng Al Khalas. Parehong nagliyab ang dalawang sasakyan.

Ang apat na nasawi ay pawang mga residente ng Preston, Lancashire sa England.

Isinugod sa pagamutan ang mga nasugatan. Anim sa kanila ang patuloy na nananatili pa rin sa ospital.

Sinabi ni Gulfaraz Zaman, director ng Hashim Travel  na nag-organisa ng pilgrimage, na ang aksidente ay kahila-hilakbot at talagang nakababalisa.

“Kung makikita mo ang labi ng bus, tanging metal frame na lang ang natira,” sinabi ni Zaman sa BBC.

Dagdag niya, kasalukuyang inaayos na ang visa ng mga kaanak ng mga biktima upang magtungo sa Saudi Arabia.

Ilang mambabatas na Briton ang nagpaabot ng kanilang pakikidalamhati sa pamilya ng mga biktima.

 

 

 

 

Source :

BBC, Gulf News, NDTV

Loading...