Babaeng bugaw sa Laguna sinentensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo

Imahe mula sa Safe Austin

Binigyan ng judge sa Laguna ng sentensiyang habambuhay na pagkabilanggo ang babaeng nakasuhan ng human trafficking dahil sa pambubugaw sa menor de edad at tatlo pang biktima.

Ayon sa ulat ng GMA News, ang babae ay naaresto noong taong 2016 matapos niyang ialok sa isang pulis na nagpanggap na customer ang sekswal na serbisyo ng 13-anyos na batang babae at tatlong iba pa.

Sa desisyon ni San Pedro City Regional Trial Court Branch 31 Judge Sonia T. Yu-Casano na isinapubliko nitong Lunes, ika-23 ng Abril, sinabi na guilty beyond reasonable doubt sa salang qualified trafficking in persons si Lilibeth Oligo.

Naaresto si Oligo noong Agosto 17, 2016 nang ialok niya ang apat na babae, kabilang ang menor de edad, sa isang police chief inspector sa halagang P1,000 bawat isa.

Bukod sa life imprisonment at multang P2 milyon, inatasan din ng korte si Oligo na magbayad sa mga biktima ng halagang P500,000  bawat isa bilang moral damages at P100,000 bilang exemplary damages.

 

Loading...