Dagdag sahod, paglobo ng presyo ng bilihin pangunahing alalahanin ng mga Pinoy

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Ang pagtaas ng sahod at inflation o ang paglobo ng pangkalahatang antas ng pagtaas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo ang mga nangungunang alalahanin ng mga Pilipino, ayon sa survey ng Pulse Asia.

Sa ulat ng Philstar, inilabas ng Pulse Asia ang resulta ng survey nitong Martes, ika-24 ng Abril.

Sa nasabing survey na isinagawa noong ika-23 hanggang ika-28 ng Marso, sinasabing nais ng 50% ng mga Pilipino na gawin ng Duterte administration na mapabuti ang sahod ng mga manggagawa, samantalang 45% naman ang nagsabi na dapat makontrol ng pamahalaan ang inflation.

Pangatlo sa mga concerns ng Pilipino ang poverty reduction. 35% umano ang nagsabing dapat pagtuunan ng pamahalaan na mabawasan ang kahirapan sa bansa. 32% naman ang nagsabi na dapat pagtuunan ang job creation.

27% naman ng Pilipino ay naniniwalang dapat na paigtingin ang paglaban sa kriminalidad, samantalang 22% ang nagsabing dapat tuldukan ang korapsyon.

Sa naturang survey, harapang kinapanayam ng Pulse Asia ang 1,200 adult Filipino respondents gamit ang ±3 percentage points error margin sa 95 percent confidence level.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Philstar, Sun Star, Manila Times

Loading...