Ex-OFW nabiktima ng budol-budol, higit P8 milyon natangay

Imahe kuha mula sa video ng GMA News

Tatlumpung taon nagtrabaho sa ibayong dagat si Leonardo Austria kaya nakaipon siya ng malaking halaga upang makapagnegosyo sa bansa, ngunit sa isang iglap lang ay mahigit P8 milyon ang nawala sa kanya matapos mabiktima ng budol-budol gang na gumagamit ng gawgaw sa panloloko.

Ayon sa ulat ng Remate, nagsimula ang lahat nang i-post ng anak ni Austria sa Facebook na may pinapaupahan silang apartment at isang ari-arian sa Bagac sa Bataan. Naka-post din ang kanilang address at cellphone number.

Salaysay ni Austria, may mga taong nagpunta sa kanya na nagsabing gustong maging ahente ng pinauupahang mga ari-arian. Makalipas umano ang ilang araw isang lalaki naman na nagpakilalang exporter ng fish enzyme ang lumapit sa kanya.

Sinabi umano ng nagpakilalang exporter na kung makakahanap si Austria ng buyer ng fish enzyme ay may P1,000 siyang kita bilang “finder’s fee” sa bawat kahon ng kemikal na maibebenta.

Ilang araw pa ang lumipas dalawang lalaki, ang isa ay nagpakilalang Intsik na importer, ang diumano’y lumapit kay Austria at naghahanap ng mabibilhan ng fish enzyme na ginagamit umano bilang preservative sa tuna.

Hindi alam ni Austria na magkakasabwat pala ang mga taong nagpakilala sa kanyang ahente, exporter at importer.

Dinalhan si Austria ng 250 kahon ng “fish enzyme” at nagbayad siya ng kabuuang P8.29 milyon sa nagpakilalang exporter. Umaasa si Austria na kikita siya ngP1,000 kada kahon ng kemikal, ngunit hindi na muling nagpakita sa kanya ang mga suspek.

Dinala niya sa crime laboratory ng pulisya ang “fish enzyme” at doon natuklasan na gawgaw lamang ang mga iyon.

Naaresto naman ng mga pulis ang dalawa sa mga suspek sa isinagawang entrapment operation. Limang iba pa ang kasalukuyang tinutugis.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Remate, Bilyonaryo, GMA Network

Loading...