“Fruit vendor” na naaresto sa buy-bust operation, ipinagtanggol ng mga kakilala

Imahe mula sa Facebook account ni John Guiagui

Isang lalaki na napag-utusan lang umano ng among Koreano na mag-deliver ng isang kahon ng prutas na may nakatagong shabu ang naaresto ng pulisya sa isang drug buy-bust operation sa San Fernando City, La Union noong Sabado ng hapon, ika-21 ng Abril.

Ang mga larawan at video ng pag-aresto sa suspek na kinilalang si Allan Rey Loma na tubong General Mariano Alvarez (GMA), Cavite ay ibinahagi ng police officer na si John Guiagui sa Facebook.

Sa nasabing FB post, maraming FB users na nakakakilala kay Loma ang nagtanggol sa kanya at nagsabing isa itong mabuting tao at naghahanapbuhay nang marangal sa among Koreano bilang isang driver.

Isa sa mga nakakakilala kay Loma ang nagsabi na anak ito ng isang respetadong guro sa GMA, Cavite.

Sigaw ng ibang netizens ay “frame up” daw ang nangyari kay Loma. Ang dapat daw arestuhin ay ang among Koreano na nag-utos sa kanya na dalhin ang kahon ng prutas sa buyer.

Pinasinungalingan naman ng police officer na si John Guiagui ang bintang na frame up at sinabing si Loma ang nag-abot ng kahon ng prutas at tumanggap ng pera sa isang pulis na poseur-buyer. At dahil kay Loma umano nakuha ang shabu at ang marked money na ibinayad ng undercover agent ay natural na arestuhin siya.

Nakuha sa loob ng kahon ng prutas ang ilang sachet ng shabu na may timbang na 50 gramo at tinatayang may street value na P300,000.

Ipinangako naman ni Guiagui na magsasagawa ng follow-up operation laban sa Koreano.

Loading...