Mga manggagawa may libreng sakay sa MRT-3 sa Labor Day

Imahe mula sa Primer

Pinagbigyan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang kahilingan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre bello III na mabigyan ng libreng sakay sa MRT-3 train ang mga manggagawa sa darating na Labor Day sa ika-1 ng Mayo.

Ang libreng sakay ay bukas para sa lahat ng mga manggagawa –  sa publiko o pribadong sektor man – ayon sa isang advisory na inilabas ng pamunuan ng MRT-3 nitong Lunes, ika-23 ng Abril. Ang dapat lang gawin ng mga manggagawa na sasakay sa train ay ipakita sa alinmang MRT-3 station ang kanilang company identification cards.

Ang libreng sakay ay gagawin lang sa mga oras na tinatawag na “rush hour” – alas-siete ng umaga hanggang alas-nuwebe ng umaga at alas-singko ng hapon hanggang alas-siete ng gabi.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, pinasalamatan ni Sec. Bello ang MRT-3 General Manager na si Rodolfo Garcia dahil pinagbigyan nito ang kanyang kahilingan na libreng sakay para sa mga manggagawa.

Ang mga manggagawa na mag-a-avail ng free MRT-3 train ride ay bibigyan ng magnetic cards upang makapasok sa MRT service gates kung saan isasagawa ang baggage inspection. Sa kanilang pagbaba, dapat ihulog ng mga nag-avail ng free ride ang magnetic card sa isang drop box bago lumabas ng istasyon ng tren.

 

Loading...