Mga nagpapakalat ng mga pekeng gamot sa Cavite, ********

Imahe mula sa RMN

Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at mga ahente ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga suspek na nagpapakalat ng mga pekeng gamot sa Cavite.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, kinilala ang isa sa mga suspek na si Von Reineree Cruz Hernandez, 28 anyos, na nahuli sa kanyang tahanan sa Tierra Solana Ponteverde Subdvision, Barangay Buenavista 3 sa bayan  ng Gen. Trias.

Nakumpiska sa kanya ang sampung malalaking kahon na naglalaman ng mga sari-saring Unilab-brand na gamot at tatlo pang kahon ng ibang brand ng mga gamot para sa ubo, lagnat at multivitamins.

Aminado si Hernandez na ibinebenta niya ang mga pekeng gamot sa mga maliliit na sari-sari store. Aniya, sa lungsod ng Imus pa lang ay nasa 200 na tindahan ang nabentahan niya ng mga pekeng produkto.

Laganap na umano sa buong probinsya ng Cavite ang mga pekeng gamot dahil bukod sa kanya ay may apat pa umanong distributors na katulad niya.

Sa kasabay na operasyon na ginawa naman sa Dasmariñas City, nasakote ang dalawa sa sinasabi ni Hernandez na distributor din ng mga pekeng medisina. Kinilala ang mga suspek na sina Den Mar Genese Temporada, 27 anyos,  residente ng Barangay Banaba, Silang, Cavite; at Darwin Cruz Purificacion, 28 anyos,na naninirahan sa Barangay Salawag, Dasmariñas.

Dinala ang mga suspek sa Camp Gen. Pantaleon Garcia sa Imus, Cavite para sa interogasyon.

 

Loading...