Mga tindahan, kainan sa Boracay nagbagsak-presyo bago ang shutdown

Imahe mula sa video ng Boracay Compass

Nagbagsak na ng presyo ng kanilang mga produkto ang mga restaurants at souvenir shops bago ipatupad ang 6-month shutdown ng isla ng Boracay na magsisimula sa ika-26 ng Abril.

Ayon sa ABS-CBN, maraming turista ang nagsipagbilihan ng burgers at burritos na ibinebenta na lang sa kalahati ng orihinal nitong presyo dahil nagkukumahog ang mga may-ari ng kainan na mapaubos na ang kanilang stocks bago isara ang isla sa mga turista.

“Last week pa lang naka-sale na kami. Pinapaubos na lang namin ang stocks, magsasara na kasi,” sabi ni Paula Padalhin na nagtatrabaho sa isang popular na fast food chain sa Boracay.

Maging ang mga fine dining restaurants ay nagbaba ng hanggang 10% sa kanilang presyo at binawasan na rin ang mga pagpipiliang pagkain ng iilan na lamang na mga customers na pinagsisilbihan.

“Dati 20 kilos each of pork, chicken and beef nauubos namin in a day. Ngayon nasa 2 kilos of meat na lang ang nagagamit namin in a day,” ani Ronald Marquez na supervisor sa Willy’s Rock Bar and Restaurant.

‘Yung mga steak, mga ribs, ‘yung mga mahal na items, hindi na kami nagse-serve. Mga sinigang, adobo, sisig, mga ganun na lang. Inuubos na lang namin kung ano na lang nandiyan para mabawi man lang namin ‘yung kita,” dagdag pa ni Marquez.

Aniya, malaki ang malulugi sa mga nasa food and beverage businesses sa isla dahil ang imbak nilang  pagkain ay maaaring mabulok o kaya naman ay ipamigay na  lang sa mga empleyado nila.

“Sobrang dami ng nasa stock namin pati beer at softdrinks. Kapag hindi naubos, ipapakain na lang sa staff kasi hindi naman namin puwede i-serve ‘yun after 6 months,” ani Marquez.

Dinagsa rin ng mga turista ang mga souvenir shops na nagtitinda ng mga t-shirts na ibinebenta na lang sa halagang P100 isa. Dati-rati ay P300 each ang mga souvenir t-shirts.

Anang isang may-ari ng souvenir shop, kahit hindi nabubulok ang kanilang paninda, nais umano nilang mabawasan ang stocks nila at para mayroon din namang maiuwing souvenir ang mga turista bago magpaalam sa Boracay.

Fact-checked against the following source(s) :

ABS-CBN, Twitter

Loading...