Pagpapadala ng mga OFW sa Russia pinag-aaralan na ng DOLE

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Nagsimula na ang pag-aaral ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa posibilidad na magpadala ang bansa ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa Russia.

Ang Russia umano ang isa sa napipisil bilang alternatibong bansa kung saan maaaring magtrabaho ang mga Pinoy workers sa gitna ng deployment ban sa Kuwait, ani DOLE Secretary Silvestre Bello III.

Ayon sa ulat ng Abante TNT, bumuo na ang DOLE ng technical working group (TWG) upang siyang magsagawa ng pag-aaral at makipagpulong sa mga opisyal ng Russia kaugnay sa pagbabalangkas ng mga kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa hinggil sa mga polisiyang magbibigay proteksyon sa kaligtasan at kapakanan ng mga OFWs.

Ang TWG din ang magtuturo sa mga Russian employers at recruitment agencies tungkol sa mga batas ng Pilipinas na sumasaklaw sa pagpapadala ng mga Filipino workers.

Ang TWG ay pinangungunahan ng  Undersecretary for Legal and International Affairs at suportado ng Philippine Overseas Employment Agency Administrator bilang Vice-Chairperson. Kasama naman bilang mga miyembro ang administrador ng Overseas Workers Welfare Administration, ang International Labor Affairs Bureau  at ang DOLE Legal Service.

Fact-checked against the following source(s) :

Abante TNT, RMN, Manila Bulletin

Loading...