Pamahalaan gagawa ng 8 tulay na magkokonekta sa Luzon, Visayas, Mindanao

Imahe mula kay Charlie David Martinez/ CC BY-SA 4.0

Magtatayo umano ang pamahalaan ng walong pangunahing tulay na layong magkonekta sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon sa ulat ng Bilyonaryo, sinabi umano ni Department of Finance Secretary Carlos Dominguez na ang pamahalaan ay handang gumugol ng halos P270 bilyon para sa mga nasabing tulay.

Ani Dominguez, kasabay ng mga malalaking tulay ay gagawa rin ng mga kalsada sa Visayas upang gawing growth corridors ang rehiyon.

Narito ang walong tulay na sa ngayon ay pinapa-aprubahan na sa Investment Coordination Committee ng National Economic and Development Authority (NEDA-ICC):

  1. 2-kilometrong tulay na magkokonekta sa Samar provinces sa isla ng Luzon
  2. 20-kilometrong tulay na magkokonekta sa Leyte at isla ng Mindanao sa pamamagitan ng underwater tunnel o ng isang Long-Span Overhead Bridge
  3. 7-kilometer Panay-Guimaras Bridge
  4. 3-kilometer na tulay na magkokonekta sa  Guimaras at Negros
  5. 1-kilometrong Bohol-Lapinig Island Bridge
  6. 18- kilometrong Lapinig Island-to-Leyte Bridge
  7. 5-kilometrong Cebu-Negros Link Bridge
  8. at ang 24.5-kilometrong Cebu-to-Bohol Link Bridge

Bukod sa mga tulay at kalsada, apat pang malalaking proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang aprubado na ng NEDA.

Ito ang pag-upgrade ng operasyon at maintenance ng New Bohol Airport, konstruksyon ng New Cebu International Container Port ngayong taon, at improvement ng Iloilo International Airport at ng Bacolod-Silay International Airport  na sisimulan sa susunod na taon.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Bilyonaryo, Business World Online, Inquirer

Loading...