[Panoorin] Lego replica ng Titanic ginawa ng isang batang may autismo

Imahe mula sa Titanic Museum Attraction

Isang replica ng Titanic na gawa sa Lego bricks ang itinampok sa Titanic Museum Attraction sa Pigeon Forge, Tennessee sa Estados Unidos.

Ayon sa Inquirer, ginawa ni Brynjar Karl Birgisson ng Reykjavik, Iceland ang Titanic Lego replica noong sampung taong gulang pa lamang siya.

Si Brynjar Karl na may autism ay 15-anyos na ngayon. Ang kanyang proyekto ay nakadisplay sa Titanic Museum Attraction simula nitong buwan ng Abril. Nito lang ika-17 ng Abril ay nakita ni Brynjar Karl na naka-display sa nasabing museo ang kanyang ginawa.

Nabuo ang Lego Titanic gamit ang 56,000 Lego bricks at gumugol si Brynjar Karl ng labing-isang buwan o katumbas ng 700 oras upang mabuo ang proyekto niya sa tulong ng kanyang lolo na si Ludvik Baldur Ögmundsson. Ang kanyang ina naman na si Bjarney Ludviksdottir ang nagsilbing personal niyang cheerleader.

Ang replica ay may habang anim na metro at tatlumpu’t tatlong sentimetro.

Upang mapondohan ang proyekto ni Bryanjar Karl, ang kanyang pamilya ay nakalikom ng $3,000 na donasyon mula sa crowdfunding at $3,000 mula sa iba pang sponsors. Binigyan din siya ng Lego Group Denmark ng 30% na diskwento sa mga Lego bricks. Mayroon ding nagbigay ng mga luma nilang lego.

Sabi ni Brynjar Karl, ang una niyang nadiskubreng barko sa internet noong nagsimulang mahiligan niya ang mga barko ay ang Titanic.

“The first ship that I ever discovered on the Internet when I became a ship fan, or into ships, was the Titanic. And it was so beautiful that I wanted to make the Lego ship out of it because it was such an inspiration for me. I loved it, and I chose it,” ani Brynjar Karl.

Ibinahagi niya sa kanyang Facebook account ang makasaysayang pangyayari kaugnay sa kanyang proyekto.

“Dear friends today was indescribable at the Titanic Museum Attraction there were tears when I walked into the grand staircase and met all the Titanic crew”

Congratulations, Bryanjar!