Shabu lab na nadiskubre sa Marikina, may koneksyon sa ecstasy lab sa Malabon City

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Daan-daang container at sako ng mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu ang tumambad sa mga pulis nang salakayin nila ang isang bahay sa loob ng subdibisyon sa Marikina City noong Biyernes, ika-20 ng Abril.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ang nasabing shabu lab ay konektado umano sa nadiskubreng ecstasy lab sa Malabon City noong nakaraang linggo kung saan naaresto ang Chinese national na si John Ming Shen, alyas Mocario Lim.

Sinabi ni Senior Inspector Jacqueline Taa ng Marikina City Police na nagsagawa sila ng operasyon matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen.

Ayon kay Taa, tumawag sa kanila ang concerned citizen matapos nitong mapanood sa balita sa telebisyon ang pagkakahuli kay John Ming Shen. Ang suspek ay nakikita raw niya sa kanilang subdibisyon.

Apat na babae ang nasa loob ng bahay nang sumalakay ang mga pulis. Kinilala ang mga ito bilang sina Lulu Hong na asawa ni Shen, Zheng Chongli na ina ni Shen at dalawang kasambahay na sina Eva Piyang at Christine Baquiler Locsin.

Kasalukuyang nakapiit sa Marikina City PNP detention cell ang apat.

Fact-checked against the following source(s) :

ABS-CBN, Abante, GMA Network

Loading...