Abu Sayyaf humihingi ng P5-M ransom para sa kinidnap na 2 babaeng pulis

MAYNILA, Pilipinas  –  P5-M ransom ang hinihingi ng Abu Sayyaf Group (ASG) kapalit ng kalayaang ng dalawang babaeng pulis na kinidnap sa Sulu noong Linggo; ito ang isiniwalat ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde.

Magugunitang binihag ng bandidong grupo na pinamumunuan ng isang Mujir Yada sina PO3 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad sa Barangay Liang, bayan ng Patikul noong Abril 29.

Nagbabakasyon umano sa Sulu sina Alvarez at Gumahad nang tangayin ang mga ito ng mga armadong kalalakihan sa Quezon Beach. Kasamang kinidnap ng ASG ang dalawa pang katao na nakilalang sina Jakosalem Blas at Faizal Ahidji.

Ayon kay Albayalde, ilang lokal na opisyal na ang nakikipagnegosasyon sa ASG para sa ikalalaya ng dalawang bihag.

“May mga negotiators tayo. We asked help from the local chief executives doon at ang hinihingi initially na ransom is P5 million,” anang PNP chief nitong Miyerkules.

Si Alvarez ay nakadestino sa Engineer Service Division ng Regional Logistics Office ng PRO-Zamboanga Peninsula, habang si Gumahad naman ay sumasailalim sa Criminal Investigation Course sa Regional Special Training Unit-9.

Tinangka umanong iligtas ng mga operatiba ng Joint Task Force Sulu ang dalawang bihag na pulis noong Mayo 1 subalit nabigo ang militar.

Ganunpaman, ayon kay Albayalde, isang magandang balita umano ng ‘proof of life’ ang nakarating sa kanila nitong nakaraang Miyerkules. Iginiit naman ng PNP chief malabong makuha ng ASG ang kanilang hinihinging ransom dahil patakaran ng gobyerno ang hindi makipagnegosasyon sa mga teroristang grupo.

Loading…