Alamin: “Inanay na pera”, may halaga pa ba?

Image capture of post via Walwal Facebook page

Madalas nating naririnig ang mga kasabihang “Kapag may isinuksok, may madudukot” at “Pera na, naging bato pa…” Subalit anong gagawin mo kung sa iyong pagsuksok ay wala kang madukot dahil nawala na ang iyong inimpok na pera, at sa halip na naging bato ay nabukbok na?

Mula sa Facebook post ng Walwal ay dumako tayo sa kuwento ng dalawang netizen na sina Jem Lemuel Ramos at Jennilyn Badilde na naitampok sa award-winning informative magazine show na Kapuso Mo, Jessica Soho o KMJS tuwing Linggo ng gabi sa GMA Kapuso Network.

Malaking tulong ito sa mga taong nais mag-alkansiya ngunit nag-iisip kung ano ang gagawing sisidlan.

Kuwento ni Jem, nagkaroon siya ng interes na mag-ipon mula sa tubo ng kanilang maliit na negosyo kung saan magkasosyo silang magkapatid. Nais niyang makapag-impok ng sapat na halaga upang makapag-franchise ng sariling negosyo, kaya naman sa halip na itago sa bangko ay inilagay niya sa kanyang pitaka ang mga pera. Inilagay niya ang pitaka sa ilalim ng kanyang cabinet na yari sa kahoy. Halos isang buwan niya ring hindi sinilip ang kanyang ipon kaya’t laking gulat niya nang tumambad sa kanya ang gula-gulanit na bill dahil sa kagagawan ng mga anay.

Image capture mula sa Kapuso Mo Jessica Soho via YouTube channel
Image capture mula sa Kapuso Mo Jessica Soho via YouTube channel

Sinubukan niya umanong dalhin sa bangko ang mga sira-sirang pera upang magbaka-sakaling mapalitan ang mga ito, subalit tinanggihan siya sapagkat halos gutay-gutay na raw ang mga bills na kanyang inipon. Malaki ang panghihinayang ni Jem dahil sa mga nangyari. Dahil dito, natutuhan daw niyang mas pahalagahan ang pera at huwag ilagay kung saan-saan.

Ganito rin ang nangyari kay Jennilyn Badilde na nag-impok naman ng pera sa isang alkansyang kawayan upang may maipambili ng damit sa kanilang ball kaugnay ng kanilang pagtatapos sa Senior High School.

Halos araw-araw niya umanong hinuhulugan ng Php 50 hanggang Php 100 ang kanyang alkansyang kawayan mula sa natitira niyang baon sa eskwela at kita sa online selling. Inilagay niya ang alkansyang kawayan sa kanyang kahoy na cabinet at tinabunan ng mga damit.

Image capture mula sa Kapuso Mo Jessica Soho via YouTube channel
Image capture mula sa Kapuso Mo Jessica Soho via YouTube channel

Apat na buwang hinulugan ni Jennilyn ang kanyang alkansya, at nang biniyak na niya ito upang makapagpatahi na ng damit ay halos mabiyak din ang kanyang puso dahil ang perang inimpok niya ay nabubukbok na.

Sinubukan niyang ipapalit ang kanyang pera sa mga bangko subalit tinanggihan siya ng una at ikalawang bangkong pinuntahan niya. Sa ikatlong bangko, pinagbigyan siya subalit kailangang nababasa pa rin daw ang serial numbers na matatagpuan sa kaliwang bahagi ng bill sa gawing ibaba at kanang bahagi sa gawing itaas.

Ayon sa isang financial expert, mainam daw ang ugaling pag-iimpok subalit titiyakin lamang daw na nasa maayos na lalagyan ang mga ito upang hindi masira o mawala.

Batay naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang mga perang napunit o nasira ay maaari pang gamitin o papalitan basta’t nasa 60 na bahagdan (60%) pa ang pagkabuo nito at nakikita pa ang mga lagda ng Pangulo ng Pilipinas at tagapangasiwa ng BSP.

Panoorin ang kabuuan ng episode na ito ng Kapuso Mo Jessica Soho via YouTube channel:

 

Loading...