Ama ng premature quadruplets nanawagan ng tulong

Hindi inaasahan ng isang ama sa Cebu City na biglang magiging malaki ang kanilang pamilya nang quadruplets ang isilang ng kanyang kinakasama noong ika-28 ng Abril sa pamamagitan ng ceasarean section.

Ang quadruplets, ayon sa ulat ng GMA News, ay premature. Napaaga ang pagsilang sa apat na sanggol ng limang linggo sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.

Anang ama ng quadruplets na kinilalang si Kenneth Tongol, halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman sa pagsilang ng kanilang mga supling. Aniya, kailangan nila ng panustos para sa gatas at diapers ng quadruplets.

“Happy, pero mixed emotions.  More milk para sa mga babies… diapers,” ani Kenneth na sa kasalukuyan ay wala  umanong hanapbuhay.

Ang kinakasama niyang si Irene Rodriguez, kahera sa isang convenience store, ay nasa maayos nang kalagayan at nagpapalakas na lang sa nabanggit na ospital. Ang quadruplets naman ay kinailangang ilagay sa incubators dahil sa pagiging premature.

Tumugon naman sa panawagan ni Kenneth si Cebu Governor Hilario P. Davide III. Nangako siya na sasagutin ng provincial government ang lahat ng dapat bayaran sa ospital at ang gatas para sa mga sanggol.

Ang quadruplets – dalawang lalaki at dalawang babae – ay pinangalanang Kendro, Kenshie, Isabelle, at Izeah.

Loading…