Ano-ano nga ba ang mga karapatan ng manggagawang Pilipino?

Ang unang araw ng Mayo o tinatawag na “Mayo Uno” ay laan para sa paggunita ng Araw ng mga Manggagawang Pilipino. Nagsimula ito noong Mayo 1, 1913 dahil sa pagsusulong ng Congreso Obrero de Filipinas na gawing 8 oras lamang ang nakatakdang oras ng pagtatrabaho sa halip na 12 oras.  Kinikilala hindi lamang sa sariling bansa ang mga manggagawang Pilipino kundi maging sa ibang panig ng daigdig dahil sa likas na angking sipag, sikap, tiyaga at determinasyon sa pagsasagawa ng mga tungkuling nakaatang sa kanilang mga balikat. Pinatutunayan iyan ng mga Overseas Filipino Workers o OFW na itinuturing na mga makabagong bayani.

Ang malaking tanong, sapat nga ba ang kabatiran at kamalayan ng mga manggagawa sa kani-kanilang mga karapatan?

Sa paggunita ng espesyal na araw na ito ng mga manggagawa, nagtala ang Facebook page na  Official Gazette of the Republic of the Philippines, sa pamamagitan ng hugot portal na Work Is Life PH ng sampung pangunahing karapatan ng isang manggagawang Pilipino.

Ang Bureau of Working Conditions ng Department of Labor and Employment ay nagbigay ng mga pangunahing karapatan ng mga manggagawa na kailangan nilang tamasahin habang nagbibigay ng serbisyo sa kanyang piniling trabaho.

  1. Equal work opportunities for all. May karapatan ang sinuman na makapagtrabaho anuman ang kanyang kasarian , lahi, o estado sa buhay habang pinangangalagaan din ang mabuti at mabungang ugnayan sa pagitan ng amo at manggagawa.
  2. Security of tenure. Walang sinumang manggagawa ang maaaring tanggalin sa kanyang tungkulin nang hindi dumaraan sa maayos at wastong proseso o due process.
  3. Work days o work hours. Kailangang makatanggap ng sapat na sweldo ang mga manggagawa ayon sa itinakdang oras ng kanilang pagganap sa kanilang tungkulin. Kung ang kanilang oras ng pagtatrabaho ay nasa pagitan ng 10:00 nang gabi hanggang 6:00 nang umaga, sila ay nararapat na makatanggap ng night shift pay, karagdagan pa sa kanilang bayad para sa regular work hours. Kung sila ay nagtrabaho nang lagpas sa itinakdang walong oras, kailangang makatanggap sila ng overtime pay.
  4. Weekly rest day. Kailangang magkaroon man lamang ng 24 oras o isang araw na pahinga o day-off ang isang manggagawa mula sa anim na araw na pagganap sa kanyang tungkulin.
  5. Wage and wage-related benefits. Kaya nagtatrabaho ang isang manggagawa para kumita. Ang sweldo ay kabayaran sa ipinagkaloob o isinagawang serbisyo ng isang manggagawa sa kompanya o among pinagtatrabahuhan. Nakadepende sa kompanya kung paano ang scheme o sistema ng pagbibigay ng sweldo. Makatatanggap din ng holiday pay ang mga manggagawang pinapasok kahit sa mga araw na dineklarang holiday. Maaari din silang makatanggap ng mga bonus, incentives,  13th month pay, at iba pang benepisyo.
  6. Payment of wages. Kailangang maibigay nang tuwiran ang sweldo ng isang manggagawa sa pamamagitan ng cash, legal tender, o pagpasok sa bank account nito. Kailangan ding sumunod ng kompanya sa scheme na itinakda sa pagpapasweldo sa kanilang mga manggagawa.
  7. Female employees. Maaaring ipagbawal sa mga babaeng manggagawa ang pagtatrabaho ng night shift, subalit kadalasang hindi ito nasusunod dahil sa uri ng mga trabaho ngayon tulad ng call centers. Kung mangyayari man ito, kinakailangang isaalang-alang ang pagkakaloob ng siyam na oras na pahinga mula sa pagtatrabaho. Kinakailangan ding may bukod na lugar-bihisan o palikuran ang mga babaeng manggagawa para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
  8. Children employment. Ang minimum employment sa Pilipinas para sa non-hazardous jobs o hindi mapanganib ay 15 hanggang 17 taong gulang at ang hazardous jobs o mapanganib naman ay sa 18 taong gulang pataas. Kung hindi maiiwasang maghanapbuhay ang 14 na taong gulang, kailangang may paggabay pa rin ito mula sa mga magulang o guardian.
  9. Safe working conditions. Kailangang isaalang-alang at tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa mula sa anumang uri ng sakuna, sakit, at kamatayan sa lugar ng kanilang mga pinagtatrabahuhan. Kailangan ding tiyakin na malusog ang kanilang mga manggagawa.
  10. Rights to self-organization and collective bargaining. May karapatan ang mga manggagawa na magtatag at lumahok sa isang lehitimong unyon o pangkat na mangangalaga sa kani-kanilang mga karapatan bilang manggagawa, na malaya mula sa pangingialam o pagkontrol ng kanilang mga amo o pamahalaan. May karapatan din silang magpahayag ng kanilang mga hinaing sa pamunuan ng kompanya.

Kung sakaling malabag ang mga karapatang ito, kailangang makipag-usap muna nang maayos ang isang manggagawa sa kani-kanilang mga amo upang maresolba ang anumang gusot. Lahat ng manggagawa ay maaaring dumulog sa DOLE kung sakaling hindi ito magtagumpay.

Loading…