Asin na ginagamit ng mga tao, kontaminado na ng mga plastic

Imahe mula sa video ng GMA News

Ang mga asin na ginagamit ng mga tao bilang panimpla sa mga pagkain ay kontaminado na ng mga malilit na particle ng plastic na tinatawag na microplastic; ito ay dahil sa napakaraming mga basurang plastic ang napupunta sa karagatan.

Halos tatlong milyong tonelada ng plastic ang napupunta sa karagatan. Katumbas ito ng isang garbage truck ng plastic kada minuto.  Ang Pilipinas daw ang pangatlo sa mga bansang pinakamaraming basurang plastic na napupunta sa dagat. Una ang China at pangalawa naman ang Indonesia.

Ayon sa ulat ng GMA News, sa ginawang pag-aaral ng mga dalubhasa sa University of California, lumalabas na ang mga tao ay nakalulunok ng mga microplastic dahil nakahalo na ang mga iyon sa asin. Malaking bahagi ng microplastic na humahalo sa asin ay galing umano sa mga microfiber at single-use plastic tulad ng plastic water bottles.

Mga plastic sa karagatan
Mga plastic sa karagatan

Sa isinagawang pag-aaral, labing-anim sa labimpitong samples ng asin mula sa mga bansang Australia, Japan, Portugal, France, Malaysia, Iran, New Zealand at South Africa ang positibo sa microplastics.

Si Doc Nielsen Donato, host ng Born to be Wild travelogue show ng GMA Network, ay nagsagawa rin ng pagsusuri sa mga asin mula dito sa bansa. Apat na iba’t ibang samples ng asin ang sinuri sa tulong ni Dr. Jose Isagani Janairo, biologist sa De La Salle University.

Ang resulta – kontaminado ng  microplastics ang apat na samples ng asin.

Maging paalala nawa ito sa mga tao. I-dispose ang basura sa tamang paraan at lugar.

 

Loading...