Bagong DOT Secretary, naiyak sa natuklasan hinggil sa pondo ng ahensya

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Sa sobrang pagkabigla ay hindi umano nakatulog ang bagong talagang Kalihim ng Department of Tourism (DOT) na si Bernadette Romulo-Puyat dahil sa natuklasan niya nang maupo sa kanyang posisyon.

Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ni Sec. Puyat na hindi siya nakatulog noong unang gabi na makita niya ang mga dokumento kung paano walang pakundanganang ginasta ang pondo ng DOT na, aniya, ay mula sa kaban ng bayan.

Ani Puyat, na dating undersecretary sa Department of Agriculture bago itinalagang DOT Secretary, nalulungkot siya sa pagkakasangkot ng mga dating opisyal ng DOT sa hindi tamang paggasta ng pondo habang ang mga kawawang mga magsasaka ay patuloy na naghihirap.

“Nabibigla lang ako kasi everyday may nadi-discover ako. So, parang nakakalungkot lang kasi ang laki-laki ng mga perang pinag-uusapan hindi lang P1 million… hundreds of millions. Eh, galing pa ako sa DA (Department of Agriculture), ‘yung mga magsasaka natin, wala na ngang pera,” anang kalihim na naiyak pa habang kinakapanayam ng ABS-CBN.

Isa sa mga natuklasan ni Sec. Puyat ay ang ilang fashion shows at mga events sa abroad na hosted ng malalapit na kaibigan ni dating Tourism Sec. Wanda Teo na pinondohan ng DOT.

“I have to check the travels also. Pera ng taong bayan ’yan. Hindi ka pumasok sa gobyerno para mag-around the world. Hindi mo kailangan ng isang battalion, mayroon ka isang battalion ng attachés,” saad ni Puyat.

Isa rin sa nasilip ni Puyat ang “Buhay Carinderia” program na pinondohan ng Tourism Promotions Board na pinamumunuan ni Cesar Montano. Ipinasuspinde ng kalihim ang implementasyon ng nasabing programa.

 

Loading...